Near Death Experience (Part 1)
Sa aking buhay, ilang beses na ako nagkaron ng tinatawag na near death experience. Una noong ako'y pitong taong gulang pa lamang. Tinamaan ako ng sakit na Hepa B, nakuha ko sa paulit-ulit na blood typing na ginagawa noon ng mga ospital sakin. Malimit kasi ako ma-confine noon dahil sa hika ko. Di pa non uso yung mga portable inhalers. At mas lalong di pa uso non ang one-use-only needles. Di ko na malaman kung san na ospital ko ito nakuha. Halos lahat kasi ng ospital sa Maynila ay nalibot ko na.
Ilang araw muna ako nilagnat noon. Lagnat na nakakabulag. Itinakbo na lamang ako sa ospital noong tumititirik na ang mata ko. Patraydor kasi ang sakit na ito. Akala mo simpleng lagnat lang, pero iba na pala. Kaya kayo pag may anak na kayo, ang mga lagnat at sinat ng anak nyo ang wag nyong pababayaan. Yan kasi ang pinaka sintomas na ang ating katawan ay lumalaban para patayin ang anumang sakit na dumapo dito. Sa lagnat nagsisimula karamihan ng mga nakamamatay na sakit: dengue, malaria, tipus. Dalawang araw ng lagnat na umaabot mahigit 39 C at walang indikasyon na bumaba ay dapat nang ikonsulta sa doktor. Isang linggong pabalik-balik na sinat at lagnat ay ganon din.
Mabalik tayo sa kuwento ko, isinugod na lang nga ako sa ospital nang nagkokombulsyon na siguro ako. Sinasabi kong siguro dahil ako mismo, di ko na matandaan ang buong pangyayari. Pinakahuling alaala ko na non ay nang itinatakbo ako papasok sa ER, nakahiga sa strolley, sumisikip ang dibdib at di makahinga, nakatingin sa taas, habang ang dalawang orderling tumutulak sa strolley ay naghihingalo habang tumatakbo. Namuti ang paningin ko bago ito nagdilim. Gumising na lang ako sa Makati Medical Center isang linggo pagkatapos. Natuwa pa ako sa sitwasyon ko. May TV ang kwarto ko! Para sa mga di nakakaalala, noong mga panahon na iyon, luxury ang magkaron ng mga aplayanses sa kwarto ng ospital na tinutuluyan mo. Isang linggo pa ako nanatili doon. Doon ko naranasan ang full medical check-up na sinasabi nila. Pagsusuri para saking dugo, ihi (na me halo na rin ng dugo), dumi (na me dugo rin), plema. You name it, they want it. Gusto ko na ngang itanong kung anong niluluto nila eh.
Saka ko na lang nalaman (nang nag-aral na ako ng Pisikal Terapi) kung gano pala katindi ang sakit na ito. At kung gaano ako kaswerte at nabuhay pa ko kung kokonsiderahin natin na nung panahon na iyon, ang Hepa B ay mahirap pang gamutin. Ngayon ko na rin lang napagtanto na inilagay pala ako non sa reverse isolation (isipin nyo na lang na parang quarantine ito na ginagawa sa mga pasyenteng highly contagious kung tawagin), at kung ano ang dahilan kung bat kelangang bakunahan lahat ng mga kapatid ko at lahat ng naninirahan sa bahay namin noon. Iniutos rin ng mga doktor samin na ihiwalay ang aking mga baso't kubyertos. Special child na nga ako sa angkin kong psychopatic mind, pati ba naman katawan ko gagawin pa ring ispesyal? At kung di kayo naniniwala, e bakit binigyan pa ako ng ispesyal na gamot? Sabi ng doktor suppository drugs daw. Sarap. Pakiramdam ko nilalagnat ako tuwing ibinibigay to sakin.
At yon, ang una kong near death experience. Bibilangin pa ng mga ilang taon bago ko matutuklasan ang lawak ng ginawang sira ng sakit na ito sa mga alaala ko. Hanggang ngayon, kakaunti na lang ang naaalala ko sa aking kabataan bago tumama ang sakit na ito sakin. Inilalahad ko ito sapagkat isa ito sa magiging tanda ng aking mga near death experiences. Ang pakabura ng aking mga alaala. Pinapahalagahan ko ito dahil sabi ko nga, "memories should be cherished. For even if we lose all material things, we'll still have our memories. And what are our existence here on earth but just the confluence of all our memories? Binded and woven together into one continous story."
Oo. Sa ating mga alaala tayo magiging imortal.Kaya ang pagsulat ko sa librong ito, ang isa sa mga paraan kung pano ko pilit na binabawi ang aking mga nawalang alaala. Kumbaga sa computer, umaasa akong napunta lang sa recycle bin ang mga alaalang ito, at anumang oras ay pwede ko pang i-restore.
Repressed Memories
Ang pinaka-maaga kong alaala sa aking buhay ay ang kabayo kong kahoy na kulay asul, kasabay nito ang rattan naming upuan na ginagawa kong "rocket ship" sa aking mga paglalaro. Itong mga bagay na ito, at ang araw na bumili si papa ng kanyang -- ng aming pinaka unang kotse, ang syang mga alaalang nakalimutan ko na, ngunit bumalik saking bigla, na parang ilog na rumaragasa, ng masulyapan ko sa palengke ang isang katulad na kabayong kahoy, yun nga lamang ito'y pula sa halip na asul.
Tandang-tanda ko pa ang araw na iyon. Manghang-mangha ako, di sa bagong kotse, o sa dahilang kami lang ang meron ng isa sa aming lugar, kundi sa dahilang napakabago sa akin ang mekanismo ng pagbuka ng pinto nito. Sa munti kong isipan, wari ko'y iyon na ang pinakamasayang bagay na aking natuklasan, iyon, at ang pagbukas rin ng bintana. Sigaw ako ng sigaw ng "Pa tingnan mo to, tingnan mo to!" Sabay bukas at sarado ng pinto (at bintana).
Di ko alam kung anong edad ako non.
Kung iyon ang pinaka una kong alaala, ito naman ang aking pinaka-natatandaan:
Sinundo ako ni mama galing sa eskwela pauwi sa aming bahay. Pagbabang-pagbaba namin sa dyip, me nakita akong manok na tumatakbo at hinabol ko ito.
Yun lang naman. Malay ko kung ba't yon ang pinaka natatak sa aking isip. Di ko rin alam kung anong edad na ako non.
Lumaki akong me galit saking puso. Magaan non ang kamay ko. Tawag nga sakin ng mga kapatid ko ay berdugo. Di ko alam kung ba't ako ganon. Marahil siguro'y dahil namulat na lang akong galit sakin ang lahat. Di ko maintindihan kung bakit. Palagi akong pinapagalitan noon, kahit sa mga bagay na di ko naman alam kung anong rason. Minsan masaya akong kumakanta habang kumakain. Binulyawan na lang ako ng lolo ko at sinabing masama daw iyon. Natigil naman ako. Sumali naman ang mga tita ko at nakisabay na rin. Ako daw talaga ang pinaka pilyo sa aming magpipinsan. Lahat ng kapintasan nasa akin na daw. Sa mura kong isipan, di ko mawari kung ano ang nagawa ko at napakainit ng dugo nilang lahat sa akin. Kahit ang nakatatanda kong kapatid na babae ay ganon din. Isang memorya ang pinaka natatak sa aking isip: yung isang beses na gusto kong sumali sa laro nila ngunit ayaw akong pasalihin ni ate. Sabi sakin: "wag ka nang sumali! Ayaw ka namin kalaro!"
Nagtanong pa siya sa iba naming pinsan: "Sino gustong sumali si Joseph?" Yun ang pinakamasaklap, ni walang nagtaas ng kamay para pumanig sakin. Dun yata, sa pangyayaring iyon, tumapak ako sa landas ng poot. Sa mura kong puso, inukit ko ang pangakong: di nyo ako masasaktan. Ako ang mananakit sa inyo.
Flash Forward
Syempre, matanda na ako ngayon. Ang mga dating bagay na di ko naiintindihan, naiintindihan ko na ngayon. Ang mga misteryosong galit nila sa akin, wari ko na rin ngayon ang dahilan. Ang pag taboy sakin ni ate, napakalinaw na sa aking isip ang bakit. Pati ang di ko makontrol kontrol na galit ko noon, naaninag sa likod ng malabong salamin ang dahilan. Wala akong dapat ikalungkot sa buhay ko. Oo, malungkot nga ang kabataan ko. Walang kaibigan, lampa, hikain, walang umiintindi -- pero yaong mga bagay na yon ang humubog sa pagkatao ko. Binasag ako ng paulit-ulit ng Dyos at hinulma. Ang lahat ng kapaitan at kalungkutan ng aking buhay, ginawa nyang palamuti saking kaluluwa. Ilang beses na noon sumagi saking isip ang magpakamatay, pero kahit kailanman di ko naituloy. Gusto ko kasing maging "dramatic" ang pagkamatay ko. Gusto kong may poetry. Kaya sabi ko sa sarili ko, sa ibang araw na lang. Ayusin ko muna ang pagpaplano ko. Nakakatawa, may silbi rin pala ang procrastination.
Pero ang nagsalba sakin ay ang Dyos. Tama lang naman at sya rin naman ang bumasag sakin, di ba? Inilagay ng Dyos sa aking landas ang mga tao, at mga pangyayaring, pag nagsama-sama, ay magdudulot ng napakalaking kabutihan sakin. Or so, yun ang PR nya ng huli kaming mag-usap.
The ChoicePrep ako non. Binigyan nya ako ng dalawang kaibigan. Di marami, at di rin sila cool sa klase. Sila pa nga ang tampulan ng mga tukso. (Pero, it's a start, ika nga.) Medyo exempted ako at "bright" ako. Di nila ako matukso at wala namang kasiyahang tuksuhin ang isang tulad ko. Kahit kasi noon super yaman na talaga ako. May sarili na akong mundo. Syempre ngayon lumago na ang yaman ko. Aba, universe na yata ang pag-aari ko! (at P.S., di ko na matanda-tandaan ang pangalan ng dalawa kong kaibigan na yon. Apelyido lang nung isa ang natandaan ko. At syempre dahil memorable syang masyado. Mota)
Nung bumalik ang aming pamilya sa probinsya, binigyan ako ng choice ni mama. Kung gusto ko raw bumalik sa St. Joseph (kung san ako nag-aral ng kinder at kung san ako nakatikim ng palo ng ruler sa kamay at kung san ni isang kaklase wala akong naging kaibigan. At oo, bright pa rin ako. pers onor) O kung gusto ko na raw lumipat sa NPS, kung san nag-aaral ang pinsan kong si Nikko. Sabi ko, di pa ba obvious? Between sa isang eskwelahang pinapalakad ng mga madreng intsik na mahilig mamalo ng ruler sa isang paaralang pinapalakad ng mga dominicans na kumukuha ng gurong mahilig mamingot ng tenga at manlait ng estduyante at mangwasak ng mga pangarap at mangurakot ng limpak limpak, san pa ko? Syempre dun sa huli na!
(later, sa huling parte ng libro, ie-explain ko kung bakit crucial itong "choice" na to. Kumbaga sa drama, sya ang "punchline." At wag ka na komontrang komedi lang ang may punchline. Hello? Buhay ko to at pag sinabi kong ang drama ang may punchline, yun ang may punchline. Sa komedya ng buhay ko ikaw maiiyak. Pramis)
Kaya ayon, dun nga ako nag-aral sa paaralan ng mga kurakot, este, ng mga Dominicans pala. Ok naman ang reception sakin ng mga tao. Meaning: di nila ako binugbog. Tulad lang ng dati. Malabnaw.
First day ko, di ko alam na sinusunod pala nila ang law of capitalization dito. Binagsak ako ng mga guro dahil panay CAPITAL LETTERS DAW AKO KUNG MAGSULAT. SABI KO: WHO ME?
Ayon, nagiinit na sumugod tuloy si mama sa paaralan. Pano ba naman, mapahiya sya na ang anak nyang palaging pers onor since kinder eh bibigyan lamang ng patok dahil sa barok writing. Aminado ko naman na di ako naturuan na may batas militar pala tungkol sa capitalization. Akala ko kasi noon, ok lang, basta tama naman ang sagot mo. Eh tama naman lahat yung sagot ko. Perpek nga eh. Saka ko na lang malalaman (years later, as usual, pag wala ng silbi), na kaya nilapatan ako ng batas militar na ganoon ay dahil yaong gurong nag grado sakin ng ganon ay may "pet student." At tinira ako sa teknikalidad para wag ko lang masapawan ang peborit nya, na may isang mali. ISA! Isang hayop na puntong lamang lang! Kung marunong na siguro akong magmura noon, ay inabot na ng katakot-takot na mura ang gurang na yon.
Ang sikreto pala, katulad ng sikreto sa lahat ng korapsyon, ay padulas. Konting bigay lang ni mama ng mga regalo, kuno - tsokolate, alahas, vibrator (jowk lang. pero siguro kung uso na noon, humingi rin ang tigang na gurang na yon), at di na ako muli nabigyan ng patok. Pero di pa rin pumapalo sa dating nobenta ang mga grado ko. Palagi lang otsenta pataas. Di ko pa rin masapawan si "pet."
Sa credit naman ni pet, matalino talaga siya. Di lang nga kasing talino ko. Pero dahil mas masipag pa sya sakin, at me talino pa rin nga, palagi na syang mas angat sa akin. Wala naman ako reklamo. Kahit kasi non di ako yung tipong patay-gahol maging achiever. Ok na kahit ano. Basta masaya.
Bad Childhood Par Excellance (Part 1)
Kaso di masaya eh. Kahit ano mang grado ang iuwi ko, di kuntento si mama. Gusto nya yatang siya ang mag-aral para sakin eh. Ako kasi ang pinagmamayabang ni mama sa lahat na gustong makinig sa kanya. Na may anak syang henyo. Kung alam nya lang, ang henyo nyang anak malapit ng maging homicidal sa sobrang paghingi nya ng accomplishment. Di ko naman hiningi na ipanganak akong ganito. Matalino. (oo na, nagpapasalamat pa rin ako). Ang tanging hiling ko lang noon ay pabayaan akong maging bata kahit minsan lang at mag enjoy sa sarili ko. Pero mukhang imposible. Ni manood ng TV kinakagalitan ako. Kesyo kailangang mag-aral daw. Eh putang ina kahit di nga ako mag-aral makukuha ko yan eh! Saka ano ba naman ang WALONG ORAS sa loob ng eskwelahan na pati pag uwi sa bahay eh aral pa rin ang iuudyok sayo? Mga di lang nakikinig sa eskwela ang kailangan mag aral pa pati sa bahay. Sa isip ko non: kaya nga paaralan kasi dun lang dapat mag-aral. Pag nasa bahay na dapat pahinga na. Di naman ako bulakbol sa klase. Kaya siguro di ko makita kita ang punto sa pag aaral sa bahay eh dahil di ko na kinailangan pang aralin ang leksyong inaral ko na sa loob ng eskwelahan. Binasa ko na yan, pinakinggan ko na yan, sinulat ko na yan. Aminado akong kelangan gumawa ng homework. Pero ginagawa ko naman ah? Bakit kahit katiting na reward di ako mapagbigyan?
Bigla na lamang ako nag panting noon, nang di ko na talaga makayanan ang sobrang paghihigpit ni mama sa pag-aaral. Isang test kasi noon. Isang test na di ko malilimutan. Syllables ang eksamen. Putang ina, di ko alam to! Absent ako ng tinuro ito. Nakalagay sa papel: write the number of syllables of each word enumerated. Ok lang sana tsumambang, pero ang saklap kasi nuong mga salitang inilista eh. Red, Yellow, Violet, Green. Tsambang naman ako. Kahit anong numero, basta may maisulat lang. 3, 1, 2, 4.
Nung lumabas yung resulta ng eksam, ok naman ako. 86. Ang problema, kahit ni minsan, sa munting buhay kong yon, di pa ako nakakakuha ng 86. 87 na pinakamababa kong grado, at kahit yon ay pinagdidiskitahan pa ni mama. Nobenta daw dapat palagi ang grade ko. Or 100. Sus ginoo!
Kaya yon, umuwi akong dala ang papel, at ng makita ni mama kung san ako may pinakamaraming mali, bigla na lamang syang nabaliw. Para syllables lang di mo pa alam? Ba't di ka kasi nag-aaral? Yan na nga ba ang sinasabi ko sa mga panonood mo ng TV na yan! Yang mga pa Bio, Bioman mo na iyan. Ayan ang nakuha mo. Red 3, Yellow 1, Violet 2, Green 4. Halika dito at ng magtanda ka!
At dinala nya ako sa kwarto para paluin ng sinturon ni papa. Yung may bakal na ang sarap lumapat sa likod ng binti mo. (at bibilangin ang taon bago ko na appreciate ang paghahandang binigay sakin ni mama. nang tumuntong ako ng 3rd yr HS, nagamit ko rin ang preperasyon na iyon. Sumali ako sa mga frats. Mani lang pala ang paddle kumpara sa naranasan ko)
Sa loob-loob ko, gusto ko nang isigaw: Mali nga ang mga pangalan mo eh. Di naman 3 si Red 1! Si Yellow ang 3! At si Green ay 5!
Iyak ako ng iyak. Galit na galit talaga ako dahil ibinibintang sakin ang isang bagay na wala naman akong kapangyarihan para baguhin. Absent ako non. Wala akong magagawa kung di ko alam na kasali yon sa eksam. Anyway, tama naman si mama. Nagtanda nga ako. Sabi ko sa sarili ko, di ko kakalimutan to. Kahit tumanda na ako. (at di ko nga nakalimutan, sniff) Simula ng araw na iyon, pinangako ko sa sarili ko na kung mag-aaral ako, mag-aaral ako para sa sarili ko, at di para sa magulang ko. Pinangako ko sa sarili ko na kung mag-aaral ako, mag-aaral ako para matuto, di para magyabang ng grado. Ano ba naman ang grado kundi mga numerong ibinibigay sa iyo ng isang guro? Tao rin lang sila, pwede magkamali sa pag marka. At di masusukat ng numerong ito ang kahalagahan mo bilang isang tao, o ang kakayahan o talento mo bilang isang indibidwal. The most na binibigay ng mga grado, ay isang distorted na scaling system, na napakadaling dayain at linlangin ng isang gurong suseptibo sa "padulas" at huwad na papuri ng isang "pet."
Pagkatapos ng taong yon, di na ulit ako umakyat sa honor's list. Di mo na rin ako masasaktan. Ako na ang mananakit sayo.
The First Knot
Di naman lahat ng pangyayari nuong 2nd grade ko ay masaklap. Noong taong yon binigay ng Dyos ang pinakauna kong lubid sa kaligtasan. Isang kaklase na magiging napakatalik kong kaibigan. Si Jp.
Tadhanda lang nga siguro ang nagbuklod sa amin. Sa isang paaralan kung san ang mga estudyante eh inaayos ang pagka upo base sa alphabetical arrangement, natural lang na maging magkalapit ang silya naming dalawa.
Ngunit kung aakalain nyong nagsimula kaming magkaibigan kaagad, dyan kayo nagkakamali. Isang pangyayari lang ang naglapit sa aming dalawa. Ang essay na pinagawa sa amin ng aming guro. Magsulat daw kami ng essay na ang titulo ay My Best Friend. Sa murang edad naming yon, mababaw pa ang kahulugan ng "best" sa pagkakaibigan. Sabi ko, patay na, bokya na ako dito. Wala naman akong best friend eh. At kahit kailan, kahit nung maliit pa ko, never akong nagkaroon ng imaginary friend. Kung kelangan ko ng defense mechanism, latag lang ako ng latag ng semento sa aking pader. Kung di ko na kaya, umuurong lang ako sa loob ng bolang itim ng aking kaluluwa. Kaya hanggang sa puntong yon, di pa ko nangailangan ng kaibigan. Kahit yung dalawa kong nakilala sa Manila eh di ko masyadong maituturing na best friend. Close friends lang siguro.
Kaya ayon, kamot noo na lng ako. Sa kabutihang palad, lumapit na lang si Jp sakin at nag-alok na kami na lang dalawa ang mag best friend sa essay. Pumayag naman ako. Mga munting bagay lang, dahil siguro compatible kami o gusto lang namin panindigan ang ginawa namin, naging matalik nga kaming mag kaibigan.
Kabaligtaran sakin, popular si Jp. Athletic at guwapito na kahit bata pa lang. Marami syang taga sunod sa klase. Si Jp ang taong tinatawag nating may "magnetic personality." Magnetic rin siguro ang personality ko, kaya lang yung repellant magnetism. Kelangan ko pang humanap ng magnet na oppositely charged ang poles sa poles ko.
Pinis
May kakaibang tradisyon sa eskwelahang ito ang mga estudyante, na nung unang araw ko ay di ko pa alam. Di naman sya tradisyon bagkus ay parang practice lang. Nag-uunahan ang mga estudyanteng matapos ang kahit anong gawaing aralin. Kesyo magi itong pagsusulit, pagbabasa (ng tahimik), pagsusulat -- bida ka pag una ka palagi. Ibig sabihin non, magaling ka. Kaya laking pagtataka ko na lang na nung una naming gawaing pagsusulat, rinig sa buong kwarto ang paghigop-hininga ng mga kaklase ko ng tumayo ako at ipasa ang aking notebook. Namangha sila lahat. Sa simula't sapul pa lang pala kasi, wala nang nakakadaig kay "pet" sa bilis magsulat, o magbasa. E sori na lang sya, kayas manok ang sulat ko kaya't wala ng pagkakaiba kung bagalan ko man o bilisan ang pagsulat ko. Wala na talaga igaganda pa ito. Kaya nasanay akong mabilis sumulat. Mabilis rin ako magbasa. Speed reader ako. Inherent na sa akin yon. Na praktis ko sa Manila kababasa ng mga billboards sakay ng napakatulin na kotse.
Kaya ayun, nung tumayo ako at ipinasa ang aking gawa, dali daling tinuldukan ni pet ang sinusulat nya at ipinasa to sabay sigaw ng, "Pinis Mam!" Me tumukso sa akin sa harapan at nagsabing, "Ahaha, di sya nagsabing Pinis Mam, di sya ang panalo." Tanong ko sa nanukso, "Ano? Penis?"
"Oo. Pinis. Ibig sabihin non tapos ka na, duh."
Sa isip-isip ko, "Ah, finish. DUH."
Me paligsahan pala dito kahit sa pagpasa ng mga sagot. Karera pala. Kaawa-awa naman ang mga bata. Hanggang dito na lang, tinuturuan pa rin ng dog-eat-dog mentality ng mga matatanda. Hayup talaga.
Dapat dun pa lang pala na-realize ko na pinintahan ko na ang sarili ko sa likod ng isang malaking bulls eye, para sa mga kaklase ko at mga gurong in-love kay pet. Yung mga gurong di nagustuhan ang pagsapaw ko sa pet nila ay kahit kailan di na ako kinilala. Wala naman ako paki. Sige magsaya kang humalik sa puwet ng mga iyan. Uod lang naman ang lalabas dyan.
Bad Childhood Par Excellance (Part 2)
Pero masahol ang iba. Hindi pa nakuntentong graduhan ako unfairly, kailangan pa nilang siraan ako, sa harap ng klase at pabayaang pagtawanan. Gagong balyena yon. Insecure sigurong masyado sa sarili nya pati batang maliit eh pinapatulan.
Project namin kasi na gumuhit ng larawan ng isang pamilyang Pilipino. Oo, di ako magaling gumuhit. Alam ko na ang iba kong kaklase ay pumupunta lang sa mall para magpaguhit sa isang bayarang propesyonal doon. Ngunit ayaw pumayag ni mama na gumastos pa ako para lang magpaguhit sa iba. Ako na lang daw gumawa. Kahit anong pagmamakaawa ko na sya na lang ang gumuhit para sakin, di nya ginawa. Isang bagay na sinanay samin ng aming mga magulang, ay ang di kami gawan ng assignment o kahit anumang proyekto. Manigas ka kung di mo gawin ng sarili mo.
Kaya ayun, ako mismo gumuhit ng proyekto ko. Naghanap ako ng larawan ng isang pamilyang Pilipino at sa abot ng aking makakaya, pilit kong ginaya ang larawan, ang mga mukha nila at katawan.
Dumating ang araw ng pagpasa ng aming mga ginuhit. Ang gaganda ng mga dala ng aking mga kaklase. Makulay ang iba, ang iba halatang di naman kayang iguhit ng isang labing-isang taong gulang na bata, and iba naman, ayos lang kahit gawa nila dahil magagaling talaga sila gumuhit.
Ako dala-dala ko ang 1/4 cartolinang pinag-drowingan ko ng aking pamilyang Pilipino. Lapis lang ang ginamit ko. Di ko na naisipang kulayan at nag-alala pa akong baka mas lalong dumumi. Masahol rin kasi akong kumulay. Lampas-lampas at sumasabog. Wala akong sense of color combination. Naka rolyo ang cartolina ko. Ayaw ko pakita sa iba. Habang sila naman ay walang patumanggang sa pagpapasikat ng proyekto nila. Pinasa ko ang gawa kong naka rolyo.
Akala ko tapos na. Me iba pa palang iniisip si Balyena. Isa-isang ininspeksyon ang mga gawa namin. Pinuri yung mga obvious na pinagawa sa mall, pinuri din yung mga gawa ng natural born artists, at pinuri din yung ok lang na gawa (ng mga magulang ng kaklase ko). Nung nalalapit nang kunin yung gawa ko, wari ko'y gusto ko nang tumayo at sumigaw ng: sunog! Ngunit nanatili akong nakaupo at naghintay na lamang. Kinuha nya ang ipinasa ko, sabay sambit ng: "Ba't ito naka rolyo? Me ginto ba dito sa loob?" Alam nya na siguro na sakin yon.
Ngumisi na parang balyena si balyena at dahan-dahang binuksan ang rolyong ipinasa ko. Kumunot ang noo nya. O sya, di mo nagustuhan, tama na ang palabas. Pero di nagtapos don. Nagsalubong pa ang kilay nya ng husto, ngumime ang nguso at sabay tanong ng: "sino 'tong Romero na to?" (Hayup ka, kunwari ka pang di mo ko kilala, samantalang lahat ng gurong paborito si pet eh sikat na ako sa kanila)
Hiyang-hiya akong tinaas ang kamay ko. Nabigla ako ng sabay bulyaw nya ng: "ano ba 'tong ginawa mo? Sabi ko gumuhit kayo ng larawan ng pamilyang Pilipino! Tingnan mo tong ginawa mo!" At ipinakita nya sa buong klase ang ginawa ko. Nagtawanan ang lahat.
"Pamilyang Pilipino ba yan sa tingin mo? Sabi ko gumuhit kayo ng tao hindi ng ungoy!" at mas nagtawanan pa ang mga kaklase ko.
Nangnigilid na ang luha sa mga mata ko, pero pinigil ko. Hindi pa tapos si balyena. Di sya makokontento hanggang di nya ako napaiiyak. Lalaban ako. Kaya't pinigil ko.
Ngumise na naman sya na parang balyena. Sabay sabi: "Di ko to matatangap. Ulitin mo to hanggang sa mag mukhang tao na ang gawa mo." At nilamukos nya ang gawa ko at itinapon sakin pabalik.
Oo. Natalo ako ng hapong yon. Umiyak ako. Pero sa bawat pag luha ko, mas lalong tumitibay ang galit sa aking puso. Sa buong klase, ako lang ang matapat na gumawa ng sarili nyang proyekto (maliban dun sa mga artistically gifted na). Karamihan ay nagbayad lang sa labas, o nagpagawa sa kanilang mga magulang. Ako lang ang may maipagmamalaking tumindig ng sarili kahit alam kong mahina ako sa larangang yaon. Ako lang ay may tapang na humarap sa paghuhukom ng isang gurong alam kong biased na pag dating sa akin. Hindi ako ang natalo. Si balyena. Lumabas na isa syang huwad na guro. Huwad at di huwaran. Sa impyerno na lang siya pag mamantikain ni Lord.
Iniuwi ko ang gusot-gusot na cartolinang ibinato sakin at plinantsa ko ito. Gustuhin ko man, di na ulit ako makakaguhit pa ng ganoon kaganda. Pinagpasyahan ko na lang na kulayan ang ginawa ko. Berde ang mga buhok, itim ang mga damit, at halo-halo na ang iba pang kulay. Bahala na kung di nya pa tanggapin. Handa na akong mabokya sa proyektong ito.
Sumunod na araw nga, tinawag nya ulit ako. Nasaan na daw ang gawa ko. Lumapit ako sa kanya at ibinigay ang nirepaso kong ungoy. Imposible nang maging ungoy yan. Berde ang buhok! Sabay sabi sa kanyang, "Sori mam, ito lang talaga ang kaya ko. Ok lang kung di nyo tanggapin. Handa na ako sa anumang grado."
Ngumisi sya na para bang kaawa-awa ako, sabay sabing, "Sige na nga. Nakakawa ka naman." At kinuha ang gawa ko at inilapag sa mga gulo-gulo nyang gamit sa mesa. Di man lang tiningnan. At tinuon nya na ang pansin nya balik sa klase at kinalimutan na ako. Bumalik na lang ako saking upuan sabay ngisi sa aking sarili.
Sabi na nga ba't berdeng buhok ang magpapa mukhang tao sa guhit ko!
I want to be a Scientist!Nuong tumuntong ako sa ikatlong grado, ibang guro naman ang naging memorable para sakin. Sya ang wumasak sa aking hilig sa siyensya. Pangarap ko sana noon maging siyentipiko at kumumpuni ng mga robot. Pero winasak ni Mam Pingot ang mga pangarap na ito. Madalas ako nitong pingutin, di ko na maalala ang dahilan. Sa kaingayan ko siguro or something. Basta, bwena mano tenga ko sa kanya.
Super boring to magturo ng siyensa na animo'y ayaw nyang magkaron ng hilig ang mga bata sa subject. Na kung tutuusin nga eh very exciting ang science. Pero itong si Pingot, gagawing nakakasuka ang subject para sa iyo. Mahilig sa memorasyon si Pangit, este, si Pingot pala. Ngayon ko lang napag isip-isip na pambobong pagtuturo ang nagpapa memorya lang sa kanyang mga estudyante. Natutunan ko na lang to nang mag aral ako ng Methods sa Ateneo. Kung sa paaralan ng mga dominicanong eto eh pulos impyerno ang inabot ko sa mga guro, sa mga Heswita naman ako nakalasap ng konting langit. (pero maya maya ko pa yan ike kwento)
Tapos ng wasakin ang morale ko ng paaralang ito. Di na rin nila ako pinago honor's list (pero ito'y more on my choice, not theirs). Tinapakan na ang dignidad ko, at ngayun naman ay di na ako magiging siyentipiko. Sana naman ay tapos na ang mga kahayupan nila.
Wish mo lang.
Pero ok pa rin naman ang development ko as a growing child. Dahil sa matalik kong kaibigan, dumadami na rin ang kaibigan ko. Ika nga sa pelikulang Never Been Kissed, you are automatically cool by association. Di na rin ako pa shy-shy.
Lampasan na natin ang ika apat at ika limang baitang. Wala naman masyadong naganap dyan kundi boyscout camping. Nag school camping kami once. Bumagyo, kaya sa mga silid aralan din ang tuloy namin. Nagdala noon ng trapal si papa para sa tent ng "platoon" namin kaya lng, bitin. Di ka makakabuo ng tent. Mabuti na lamang at may roof stand doon ng Coke. Yun na lang ang ginamit namin at binalutan namin ng trapal sa gilid. May instant tent na kami. Yun nga lang at open ang kanyang harapan. Memorable rin pala yon. Nagising na lang kaming nababasa na ng ulan. Napalundag na lang si Donny sa folding bed ni Jp at nagsisigaw ng "delubyo!" Iniwan na namin ang tent namin at kumaripas na papasok sa silid aralan.
Ah syanga pala, scout leader ako non grade 5 at 6.
The Second Knot
Sa ika-anim na baitang, may dumating na student transfer sa aming klase. Galing Indonesia at sa international school raw nag aral. Ubod ng hangin. Di ako makapag pili kung siya o si "pet" ang mas masahol sumipsip. O baka naman natural lang sa kanya na magustuhan ng mga "authority figures." Ang cute cute nya kasi. Pang boy band ang dating. Sya ang ikalawang lubid na itinapon ng Diyos. Si Nikko - ang bumuo sa Tres Musketeros.
Nagsimula sa lunch money pooling. Bawat isa may takdang araw manlilibre tuwing recess. Swerte pag araw nung dalawa. Busog kami palagi. Wag ka na magtanong kung ano kinakain namin pag araw ko. Kulang na lang siguro magdala ako ng asukal at ihalo ito sa mineral water para pagsaluhan namin. Ok na rin. Dito nasubok ang katapatan ng dalawa sa akin. Beginnings of a friendship ika nga.
Pero wag naman kayo mag-isip. Di naman kami super poor. Exclusive school nga ang pinapasukan kong ito. Talaga lang ganyan magbigay ng allowance ang magulang ko. Eksakto to the last sentimo. Kaya't pag napasobra ang gastos ko non, natuto akong mag 123 sa mga dyip na sinasakyan ko. Survival of da switik ika nga.
Sa simula pala ng school year isinasagawa ang student council elections. Tumakbo non si Nikko bilang presidente, at nanalo. Nakalaban nya Si Andre, isa ring kandidato na ikinampanya ko. Oo, di pa nagsisimula ang lunch money pooling namin non. Hangin pa lang si Nikko sakin.
Lamang lang sya ng mga tatlo o apat na boto, pero hayup, kahit pala sa murang edad, grabe na ang pait ng labanan pag dating sa eleksyon. Di kasi non nakaboto ang ilang campaign managers ni Andre sa dahilang absent nung araw ng botohan, na kung susumahin mo, ay makapag bibigay sa kanya ng panalo. Nag plano ang iba na iboykot ang pagiging Presidente ni Nikko. Umabot sa matinding harapan hanggang ultimo ang prinsipal eh pumunta sa klase namin para hamunin ang isa sa mga instigador ng boykot.
Tang ina. Ganyan katindi ang posisyon ng kapangyarihan para pag agawan ng mga munting bata. Hayup talaga sa catholic formation.
Good Childhood Par Average (Part 1)
At sa wakas, dumating tayo sa tuktok ng maike kwento ko sa aking buhay sa elementarya. Ang 1st ASEAN camping na ginanap sa Mt. Makiling.
Wala lang, umakyat lng kami ng bundok, nag camping, at bumaba na ulit. Yun lang. At syanga pala, pumunta rin si dating Pangulong Ramos (na syang presidente noon) at nagbigay ng isang speech tungkol sa pagkakaisa ng ASEAN nations. Yung lang. Talaga. Pramis.
Ano kamo? Bitin? O sya, sya, sali ko na lang ang buong kwento sa susunod kong libro. After all, dapat kung i-hook ang aking mga mambabasa para sa susunod na mga serye para kumita ako di ba? (yan ang natutunan ko kay Robert Jordan at Terry Badkind).
Jowk. Bibitinin ko ba naman kayo? Di ako tulad ng iba dyan na mukhang pera. Aaminin ko man, kelangan ko talaga ng pera. Pero para sakin, secondary na lang ang pera sa kasikatan. Gusto ko munang sumikat bago sa lahat. Pag sikat na ako, madali na lang kitain ang pera, da va? Da va???
Kaya di ko na kailangang mambitin pa. Kayo mismo ay tatangkilikin ako kung may bahid man lang ako ng talento bilang isang manunulat. O bilang isang komedyante. Bahala na kayo. Basta ang gusto ko ay masaya kayo na binili nyo ang libro ko. Ayokong may isa sa mga bumili ng libro ko ang magsisisi pagkatapos niyang mabasa ito at hihilinging sana'y di na lang sya gumastos para bilhin ito.
Kapag nangyari yan, aba'y I'll be more than willing to, to --
Boss Publisher, pwede ba akong mang refund?
Aba'y tanungin mo sa mga tindahan ng libro. Sila na ang bumili satin nyan at sila na ang nagbenta sa mga mambabasa mo. Nasa sa kanila na kung gusto nilang maglapat ng precedent para sa pagkalugi nila.
Ha? Ako naman ang magre refund ah?
Jao, aminin na natin na ang mga Pilipino ay free-loaders. Kahit pa man nagustuhan nila ang libro mo, kapag nag anunsyo ka ng money back guarantee if they're dissatisfied, lahat yan magsasabing di nila nagustuhan. Gusto mo bang malugi ako?
Hindi.
Gusto mo bang malugi ang mga tindahan ng libro?
Hindi.
Gusto mo ba ng pera?
Gustong-gusto po. Sa katunayan nga po, mas gusto ko pa po ang pera kesa sa inyo.
Ah ok lang yan iho. Mas gusto ko rin ang pera kesa sa iyo. Sa katunayan nga eh baka mas gusto ko pa ang pera kesa sa asawa ko. *bulong* Off the record. (o ayan ha boss, nilagay kong sinabi mo naman na Off the Record) Eh di, hane. Mag offer ka na lang na kung di nila nagustuhan ang libro mo, eh malaya silang gawin kahit ano dito. Tutal sa kanila naman yan. Sunugin nila, punitin nila, duraan nila, gawin pa nilang pamunas sa pwet, wala na tayong pakialam. Ito ang kalayaan ng market system natin, Jao. At kung namumuhi talaga sila sa isinulat mo, aba'y maari rin nilang siraan ito at hikayatin ang iba na wag nang bilhin at basahin ito. Gaya rin ng kalayaan ng iba na nagustuhan ang librong binasa nila, sineng pinanood nila, na hikayatin ang iba para basahin o panoorin ito.
Ang galing mo talaga, Ginoong Publisher.
Syempre, yayaman ba ako kung di ako tuso?
O nga no? Kamukha mo rin si Kiko Matsing.
The REAL Good Childhood Par Average (Part 1)
Ang Camping. Bow.
The following incident took place between 5 to 6 pm.
MISSION: A Work In Progress
Sa simula ng librong ito, binanggit ko ang isa sa mga rason kung ba't ko isinusulat ang talambuhay kong ito. Para mabawi ang aking mga alaala. Sa panahon ng aking pagsusulat nito, eto ang mga sumusunod na "nawalang alaala" ang bumalik sakin.
Ang unang paghihiwalay ng aking mga magulang. Wala pa akong anim na taong gulang. Tinanong ako ni mama ng tahasan kung kanino ko raw gustong sumama. Sa kanya o kay papa. Sabi ko sa kanya. Syempre, sya nagtatanong eh. Inempake nya ng kahon-kahon ang aming mga gamit, sumakay kami sa tren, at pumunta sa bayan kung san sya lumaki. Di ko pa rin maalala kung isinama namin si ate.
Nuong maliit pa ako, paborito ko palang sumakay sa likod ni papa. Tuwang-tuwa ako tuwing umuuwi si papa at magpapakarga ako rito. Baktut ang tawag namin dito. Wag mo na akong tanungin kung bakit. Ma. Malay ko.
Sumama ako sa isang field trip noong grade 1 ako. Sa manila zoo tinakdang pumunta pag umaga, samantalang sa pabrika ng Hershey's naman sa hapon. Tanghalian noon. Sa isang parke on the way sa Hershey's kami huminto para kumain. Tapos na akong kumain. Naglalakad-lakad na lang ako at tumitingin ng tanawin ng bigla akong itulak ng isa sa mga kaklase ko sa putikan. Basang-basa ako at panay putik. Kasama ko noon ang yaya ko at napag desisyunan ng aming class adviser na pauwiin na lamang ako para magbihis. Lalamigin kasi ako sa aircon bus na aming sinasakyan. Ayokong umuwi. Sabi ko pupunta pa ako sa Hershey's. Ipinaintindi sakin ng titser ko na bukas pa raw pupunta sa Hershey's. Magsisiuwi na lang daw sila at hihintayin ako bukas. Kaya pumayag ako.
Ang tanga ko! Kinabukasan pag pasok ko sa klase, laking gulat ko na lamang na ang daming dalang kendi at tsokolate ng mga kaklase ko. Natuloy pala sila, at ni wala man lang konsiderasyon ang gurong ito, ipinag pakwento pa ang aking mga kaklase kung ano daw ang kanilang mga ginawa sa Hershey's, para naman daw i-share sakin na di nakapunta doon ang experience ng "Hershey's." Putang ina mo, kausapin mo sarili mo!
Dito pa lang, makikita nyo na kung san nag-ugat ang malalim kong di pagtiwala sa mga authority figures. Kung ba't rebelde ako, di madaling mapaniwala ng matatanda, at kung bakit sarili ko lang ang tinitiwalaan ko. Nang mapanood ko lang ang Charlie and the Chocolate Factory, saka ko lang naintindihan ang sense of wonder na hinahanap ko noon nung bata pa ako. Ganoon nga ang iniisip ko sa pabrika ng Hershey's noon. Isang lugar kung san nag-uumapaw ang kendi at tsokolate na kung saan pwede ka lang pumitas o uminom ng kahit anong gusto mo.
At wag naman kayong masyadong malupit sa paghusga sa guro kong iyon. Binigyan nya naman ako ng isang supot ng tsokolate't kendi galing sa Hershey's. Um! Saksak mo sa baga mo!
At yong kaklase kong nanulak sakin? Dumating rin ang araw nya, ng isang beses, tinukso-tukso nya ako at tinutulak-tulak. Tulad ng mga mapagtimpi, matindi ako pag magalit. Binuhat ko na lamang sya at itinapon sa batuhan. Shock ang gago. Di nya siguro akalain na lalaban ang isang nerd na tulad ko. Nang hapong iyon at nang mga sumunod pang araw, di na ulit nang-bully ang kaklase kong ito, sakin, sa dalawa kong barkada, o kahit kanino pa man sa klase. Takot nya lang na baka bigla na naman akong maulol. Hehe. May pagka Ender pala ako. Kung di nyo sya kilala, sya ang bida sa librong isinulat ni Orson Scott Card na pinamagatang, Ender's Game. Maganda ang libro, marami kayong matututunan dito. Tulad ko, si Ender, pag nahaharap sa tiyak na kapahamakan, ay wawasakin ang lahat, mabuhay lamang - ako at ang mga minamahal ko.
Sya nga pala, may tradisyon din sa paaralang ito. Bida ka pag sa likuran ka ng linya pumipila tuwing papapilahin kayo ng guro. Simula noon, di na rin makaangal kahit sino sa tuwing pupunta ako sa likuran. Okay pala ang maging baliw. Untouchable.
Noong grad 1 rin ako nag-karoon ng pers kras. Hanggang ngayon tanda ko pa rin ang buo nyang pangalan. Sinusulat ko pa ito noon sa kwaderno ko. Ang ganda kasi ng pangalan nya. MKA. Iyon ang initials nya.
Tanging graduation namin (oo, bawat taon sumasama lahat ng estudyante sa graduation ng mga nasa ika-anim na baitang) nang makausap ko sya. Sabi nya congrats. Tameme lang ako. Tuod na di makapag salita. Tinawag na lamang sya ng kanyang magulang at tumalikod, saka lumayo sakin, nakatayo pa rin ako doon. Nag-iisip ng masasabi. Kung gano kabilis umikot ang utak ko pag tungkol sa aralin, ganoon naman ito kabagal pag babae na ang pag-uusapan. Animo'y sing kupad ng snail tumakbo ang isip ko pag natitipuhan kong babae ang kausap ko.
Sumunod na grado, di ko na sya nakaklase. Bumalik na kami sa probinsya.
Sya nga pala, nuong paglipat ko rin sa paaralang ito, bago ako mag prep, ng alukin ako at ang magulang ko na i-promote sa sunod na grado dahil base raw sa entrance exam ko, at edad ko, dapat nasa ika unang baitang na ako. Principal ng paaralang ang aming kausap. Tatanungin nya lamang daw ako ng ilang "key questions." Ispeling lang pala. Me isang salitang pinapa ispeling sakin ang di ko narinig. Kaya tumahimik na lang ako. Malay ko ba na ako pa ang kinakausap nya? Kaya ayon, tinadhana talaga akong makilala ang mga nakilala ko. Parang sa pelikulang A Simple Twist of Fate, yun nga lang, mga ilang twists ng tadhana ang itinakda sa buhay ko.
Di ko pala naikwento. Charmed kid ako nung bata pa ako. Ubod ng swerte. Ilang beses na ako nanalo sa mga games of chance. Nanalo ako sa isang pa-contest ng Bear Brand kung san ang premyo ay isang laruang robot. Pag isinasama ako sa peryahan, swerte rin daw ang dala ko.
Isang beses, pina pili ako ng yaya ko ng isang ticket ng sweepstakes. Makaraan ang ilang linggo, mangiyak-ngiyak syang nag-tanong sakin kung ang numero raw ng ticket na pinili ko ay pareho sa mga numerong nakasulat sa kwaderno nya. Sabi ko oo (panahong iyon na may photographic memory pa ako, na sinira ng una kong near death experience. kasama siguro sa mga nabura kong alaala ang abilidad na ito). Tumama pala yung mga ticket na napili ko at sa kasamaang palad, nawala nya! Amp!
Pinakahuli kong lucky streak siguro ay noong grade 6 ako. Bumili ako ng ticket sa isang pabola. Tumama ng consolation prize. Sumunod noon, unti-unti nang naglaho ang pagka swerte ko (sa mga games of chance). Umiral na lang ito ng isang beses. Sa ending. At ayoko pa non pumusta. Pinilit lang ako.
WAKAS
Tulad ng lahat ng libro, may wakas rin ang librong ito. Pero hindi ang kwento ko. Magpapatuloy ang kwento ko hanggang sa buhay pa ako. Magpapatuloy ito, kahit mawala man ako. Hanggang sa may dugong nananalaytay sa mga descendants ko, patuloy na iikot ang kwento ko. At ano ba naman ang elementarya bagkus isang yugto sa buhay ng isang bata? May hayskul pa, panahon ng pagiging tinedyer. May kolehiyo pa, panahon ng pag mature into an adult frog. Nagsimula sa tadpole, hanggang sa maging palaka. Prinsesa na lang ang kulang para halikan ang palakang prinsipeng ito. At malay mo, baka ito ang sunod kong ikwento. Di natin masasabi. Depende yan sa pagtanggap dito sa una kong libro kung masusundan pa ito.
Pero kuntento na ako. Sa kahuli-hulihan, di rin pala nawala ang swerte ko. Nagbago lang ng anyo. Para sa huli kong mensahe, iniiwan ko itong akda kong ito: